Tuesday, February 12, 2013

Ang pagtatago ng SIGURO sa NGA sa 'siguro nga'


UNANG YUGTO

Hindi mapakali si Leo sa pagkakaupo. Parang sinisilaban ang puwet sa pagtayo, pag-upo at manaka-nakang paglakad paroo't parito. May kung ilang ulit na rin syang nahiga sa kama, ipinikit ang mga mata at pilit pinapakalma ang isip. "Anak ng putsa!" ang malakas nyang usal sa pagmamaktol kay Antok na hindi dumadalaw. Nasubukan na rin nyang magbilang ng may kung ilang daang tupa na tumatalon sa bakod na kulay puti. Ang bakod ay parte ng bahay na may kaparehong kulay sa gitna ng bukid na luntian at ang mga tupa ay may taling maliit na kuliling na sa bawat talon ay malinaw ang tagsing na siya nyang binibilang.

"Isang daan at dalawampu. Isang daan at dalawamput isa..." Sa gitna ng pagbibilang ay may gugulo sa isip na tila kidlat na sasaglit at nag-iiwan ng hindi nakikitang boltaheng nagpapanginig sa puso. Kahit anumang gawin ni Leo ay hindi nya maiwawaksi ang pag-aalala at pangamba. Magkahalong takot, saya at lungkot ang tila nagsasayaw sa katinuan at nagpapalabo sa kung ano ang dapat maramdam at ikilos.  

Halos magdadalawang buwan na mula nung mangyari ang insidenteng nagpapakabagabag kay Leo. Isang insidente na nagpaalab at nagpa-init sa malungkot na gabi kasama si Karen ngunit kaalinsabay nito ang paglabo sa natitirang katinuan na tila tinadyakan ng hindi mabilang na shot ng Tequila at Empi. Ngunit ang gabi ay nasundan ng mga araw ng matinding pag-iisip at pag-aalala at nandoon ang takot na baka malaman ng kanyang maybahay na si Shirley at mga anak. May pagkakataon pa na sa gitna ng kalamigan ng madaling araw ay dinadala siya ng paa sa may terasa at uupo sa silyang kahoy at doon ay tatanaw sa malayo at pilit iniisa-isa ang nararamdaman.

May pagkakataon din na hindi nya namamalayan ang pagsunod ni Shirley na lalong nagpakabog sa kanyang dibdib. Natatakot si Leo na sa pagtitig ni Shirley ng matiim sa kanyang mga mata ay mabasa nito ang tumatakbo sa isip at damdamin. "May problema ba?" Minsan na nyang narinig ang pagtatanong at may kung ilang ulit na rin nyang pinagsinungalingan si Shirley na balot ng pag-alala. Ang bawat pagtatanong ng asawa ay nagpapalambot sa puso ni Leo ngunit kaalinsabay nito ang pagngatngat ng kunsensya sa hindi maitatwang paglilihim na lalong nagpabigat sa tila nakadagang adobe sa dibdib. Ang bawat pagkakaila, pilit na ngiti at pagbibigay ng kumpiyansa sa asawa na walang dapat ipag-alala ay tila gapos na nagpapahigpit sa nakadangang bato. Natatakot syang malaman ng asawa ang nagawa at ang alalahaning kung malaman man ay may puwang ba sa puso ni Shirley ang pagpapatawad?

Sinisisi ni Leo ang sarili. Ang saglit na katapangan ng gabing kasama si Karen ay napalitan ng matinding takot na ang minsang gabi ng pagkalimot ay maging mitsa ng paghihiwalay nilang mag-asawa. Sa isipin pa lang ay halos lumundag na sa pangamba si Leo kasabay ng napapadalas na iling at pakikipag-usap sa sarili upang payapain ang sarili.  Ang madalas na pagbibigay ni Karen ng kumpiyansa na walang mababago at walang dapat ipag-aalala ay laging nasasambit sa mga mensahe sa selepono at pagkikipag-usap sa FB. Ngunit parang nabibingi ang puso sa mga paliwanag at kumpiyansa na wala ng dapat ipangamba at walang basehan ang takot na nadarama. Ngunit mayroong hindi maipaliwanag si Leo dahil nandun pa rin ang takot sa mga posibleng mangyari lalo na at hindi man aminin sa sarili, ang takot ni Leo ay hindi lamang dahil baka malaman ni Shirley ngunit mas natatakot ito na aminin sa sarili na muli at muli nyang naaalala ang gabi ng mga maiinit na yakap at halik.

"Flattered ako dahil hindi ako madaling kalimutan," ang banggit minsan ni Karen at alam ni Leo na pagbibiro  ni Karen ay tila suntok na lalong nagbigay ng matinding kaba at tila pagkaliyo.

"Siguro nga," ang maikli nyang sagot na tila ang nga ay ikukubli ang kasiguraduhan ng siguro.

Ilang ulit na din ang pagbibigay ng kasiguruhan ngunit hindi ito sapat dahil magiging totoo lamang kung mamutawi mismo kay Leo. Ang paulit-ulit na pag-usal ng 'wala ng problema, di ba?" o kaya ay 'wala na akong dapat ipag-alala?' ay tila pagkukumbinsi sa sarili na wala syang nararamdaman na kahit katiting na pagtingin man lang kay Karen. Ang takot sa isip nito ay dala ng hindi pag-amin sa sarili sa tunay na nararamdaman na pilit iwinawaksi ng isip at pag-aalala kay Shirley at sa kanilang mga anak.

Ang hindi pag-amin sa tunay na nararamdaman ay tila multo na nagpapakabagabag kay Leo na ang bawat sambit na maayos na ang lahat ay tila dagdag na sugat sa puso na lalong nagpapaliyo sa damdamin at isip. At dadating ang mga araw at gabi na muli at muling mailap si Antok sa pagdalaw habang ang puso ay nagtatago sa 'siguro nga' na paukol sa hindi madaling paglimot kay Karen.

Monday, February 04, 2013

Ang magkasiping na sorry at thank you at ang lihim ng mga pangungusap sa dot dot dot


Maaari pala na ang sorry at thank you ay magkasiping sa iisang espasyo dahil ang mga kataga ay napapadalas ang dating sa aking selopono na tila ba dapat ko ng asahan na ang sorry ay otomatikong susundan ng thank you or maaari ding mauna ang isa sa isa. Ngunit kapag nakakatanggap ako ng mensahe ay hindi ko alam kung ano ang dapat kong isagot... kung ako ba ay magsasabi ng 'walang anuman' o 'patawad din'.  Maaari din namang pagtabihin ko sa iisang espasyo ang mga kataga sabay usal na sana walang pag-aaway o pagkalito na magaganap sa kung ano ang dapat kung ipag walang anuman at dapat ipag hingi ng tawad.

Hindi lamang iyon ang kailangan kong basahin kundi ang mga dot dot dot (...) na kasunod ng aking pangalan na kay ikli ngunit pinagtataguan ng mga hindi nabanggit na pangungusap. Ang mga tahimik na pangungusap na tila nagkukubli sa dot dot dot ay naramdaman ko ng buong puso at kahit yun pa lang ang natanggap na mensahe ay nagpawis at nanlamig na ang aking mga palad. Pakiramdam ko din na nag-init ang aking mga pisngi na parang tinedyer lang at tila naliliyo pa sa gulat at galak sa natanggap na mensaheng binanggit ang aking ngalan at dot dot dot.

Bukod dun, ang salitang move on ay tila naging uso na din. Dalawang salita na napakadaling bigkasin, mahirap ipaliwanag at mas napakahirap gawin. Ang sabi nga sa nabasa ko sa FB, keep calm and move on ngunit papaano ba mapapakalma ang magkaalinsabay na kurot at pagpintig ng puso na idinadaan na lamang sa buntong-hininga at pagtingin ng tagus-tagusan sa selepong hawak? Siguro nga...mapapakalma ng napakaraming buntong-hininga ang pilit pumapayapang kabog ng dibdib.    

Nang matanggap ko ang bagong mensahe na pagpapahiwatid na ang nagpadala ng mensahe ay naiyak...at kasunod ng:

Dinama ang ibang hangin doon 
at sumisid sa batis 
at isinigaw sa ilalim nito 
ang mga kalungkutan na dinanas natin. 
At umasang aanurin ito 
sa lugar na hindi na masumpungan 
ng kahit sino na kasing hina ko.  

Dot dot dot...iyon ang gusto ko sanang isagot. Tumagos sa puso ang sinseridad ng mga inusal na para bang ibinulong ito sa aking tenga na nagpa-init sa damdamin ngunit kaalinsabay din nito ang lungkot ng pagpapaalaman. 
     

Sunday, February 03, 2013

Ang pagkukubli sa FB at YT funniest videos



Kadalasan kong sinisimulan ang araw sa pagbubukas ng Facebook at ang pagtingin-tingin sa kung ano ang nakaka-agaw ng interes ng mga FB friends at kung ano man ang kanilang ginawa o ginagawa sa oras na iyon. May kung ilang minuto din ang aking inaksaya sa pagpindot ng like, pagtingin ng mga litrato, pag-basa ng mga status update at ang panaka-nakang pagsilip sa FB wall ng mga taong na-agaw ang aking interes. Ang matagal na pagmumuni-muni sa bawat umaga na nagsisimula sa pagpatak ng alas singko y medya ay lalarga hanggat hindi na napapansin ang pagka-ubos ng ilang oras.

Tik. Tok. Tik. Tok. Tik. Tok. Napapadalas ang tingin ko sa bawat oras na lumipas na tila ba sa pagpatak ng isang minuto ay mahahanap ko ang inspirasyon na makakapagpabuhay sa dugo upang gawin ang mga obligasyon at gawain. Ngunit ang pangangati ng mga daliri sa pagpindot ng bagong tab, pagbukas ng Youtube at paghahanap ng funniest videos ay isang paraan na naman ng pagtakas ng akin isip sa mga dapat harapin at dapat maramdaman. Panay-panay ang buntong-hininga na sana ay maisama nito ang mga alalahanin, na sana hindi matapos ang araw na hindi maaaksaya ang oras at na sana ay walang hatid na hindi kaaya-ayang balita ang araw.

Saturday, February 02, 2013

Ang Red Pill ni Neo na tila suntok sa katinuan at naguguluhang damdamin



Kasabay ng nakakaenganyong rendition ni Israel Kamakawiwo 'Ole ng 'Somewhere Over the Rainbow" ay ang tila paghalukay ng samut-saring damdamin na hindi ko mawari. Kahapon lamang ay parang ibinibitin pa rin ang akin ulo na tila ba ito ay maaaring tagpasin anumang oras. Ang bawat tunog ng selepono na nangbibigy ng magkasabay na kurot sa dibdib at pagsilay ng ngiti sa puso na ako ay naalala kahit panandalian lamang. Sa pagpindot ng New Message, nandun ang sigaw ng isip na "Ang nerves! Ang nerves!" kasabay ng hindi mapigilang panginginig ng mga daliri at panlalabo ng mata sa mga hindi gustong mabasa at panlilinaw naman sa mga gustong makita.

Ayaw ko na nga sanang makatanggap pa ng anumang mensahe na galing sa kanya, ngunit alam ko na iba ang 'sana' na namumutawi sa isip at iba ang 'sana' na dinadamdam. Kung maaari nga lamang na humingi ng Blue Pill kay Neo sa The Matrix at maglagi na lang ako sa mundong hinabi ng aking isip... isang mundong masaya at walang pagkalito sa tila paghalukay ng damdamin sa dapat maramdaman at ikilos. Ngunit kahit ang Blue Pill ay may takdang panahon ng paglipas na ang kulay bughaw na langit ay hindi permanenteng bughaw at ang banayad na yakap ng hangin ay maaring maging nakakatakot na hampas.

Tila ba ang pagkakataon ay umaayon sa kung ano ang tamang gawin dahil makalipas lamang ang ilang oras pagkatapos ng nakakawindang na tut! tut! ng selepono ay umaagos palabas ang pag-aalala. Kahit hindi na kailangang uminom ng Red Pill na makakapagpagising kay Neo sa reyalidad, ang tunog ng selepono ay ay tila suntok sa katinuan at naguguluhang damdamin. Halos maiyak ako sa tuwa ngunit may bahagyang kulimlim ng lungkot ang mga pinagdaanang kalituhan at kaguluhan ng mga nakalipas na linggo.

Madaling sabihin na ang nakalipas ay hindi dapat maging hadlang sa ngayon at bukas ... ngunit ang nakalipas ay parte ng aking pagkatao, ng paniniwala o ng kaisipan na magpapabago sa taong nakaramdam at nakaranas ng masalimuot na pagsubok. Maaaring hindi ito maging hadlang sa akin ngunit hindi ko din kailangang makalimutan. Ang sugat ko ay maaaring maghilom ngunit mag-iiwan ito ng bakas na kahit hindi ko pansinin o pilitin ko mang kalimutan ay dadating ang panahon na makikita kong muli ang bakas na magpapa-alala na minsan, dumaan ako sa panahon ng matinding kalituhan at pagdaramdam.

Ngayon, sa paghalik ng banayad na hangin na naramdaman mula sa mahaba-habang biyahe at kasabay ng ngiti sa bawat 'piktyur piktyur' sa likod ng makukulay, naggagandahan at naglalakihang mga ilaw ay ang pag-asa na sa muling pakukrus ng landas ay manatiling magkaibigan...kahit doon man lamang.

Friday, February 01, 2013

Nakakarinding tunog ng selepono at mensaheng palaisipan

Sa mga nakalipas na araw at linggo ay napapadalas ang dalaw ng katamaran na tila ba nakakampante na ito sa pagkakaupo sa plastik na silyang ipinuwesto sa harap ng mesang dapat sana ay lugar ng trabaho. Ngunit si katamaran ay tila laging nange-enganyo sa mga uupo duon para manlupaypay at magpakasawa sa kakatingin sa Facebook at mga kuning-kuning na walang tatuturan, na makalipas ang ilang oras nang pagbabantay sa walang aasahan ay susunod ang pagkastigo sa sarili sa nasayang at naubos na oras.

Sa halos araw-araw sa loob ng makailang linggo, ganun at ganun ang eksena na nakakatamad at nakakapagod sa walang kapagurang katamaran at pagkabahala sa hindi dapat pagkaabalahan. Ngunit ang manaka-naka o pasulpot-sulpot na tut! tut! ng selepono ay nakakapagpagising sa nanlupaypay na damdamin...umaasang may hatid na balita na makakapagpasigla sa nakaka-antok na araw. Ngunit ang makatanggap ng mensaheng nakikiusap upang mabigyan pa ng pagkakataon para mabuhay sa dapat pagkabuhayan ay isang nakakatakot na palaisipan.

Kasunod ng nakakabiglang mensahe ay ang tila pagkamatay ng nag-iisang ningas na sumisilay sa pinakakubling lugar. Na kahit hindi man pansinin o aminin ay manaka-nakang dumudungaw ang ningas na nagsusumiksik sa damdamin. Ngunit sa bawat pagtunong ng selopono at nakakarinding tut! tut!, may nginig ang mga daliri sa pagpindot at pagsilip sa mensahe. Ang mga kataga ay tila nagpapalabo sa mata at pangingilid ng luha. Ang mensahe ay tila pagiihip ng hangin na pilit pumapatay sa nag-iisang ningas na nagbibigay ng kakarampot na ilaw at init sa nanlulupaypay na damdamin.

May hindi mawaring kabog sa dibdib ang parating na mga araw. Ang bawat patak ng petsa sa kalendaryong ay tila papalapit na araw ng paghuhusga sa kung ano mang kakahinatnan ng bukas. Ngunit isa ang malinaw at yun ay ang umasa na hindi dapat umasa sa mga taong hindi kaasa-asa...kahit pa sa sariling pilit na ngumingiti at humahalakhak ngunit nanlulupaypay ang kalooban dahil sa nakakarinding tunog ng selepono at mga mensaheng palaisipan.