Sa mga nakalipas na araw at linggo ay napapadalas ang dalaw ng katamaran na tila ba nakakampante na ito sa pagkakaupo sa plastik na silyang ipinuwesto sa harap ng mesang dapat sana ay lugar ng trabaho. Ngunit si katamaran ay tila laging nange-enganyo sa mga uupo duon para manlupaypay at magpakasawa sa kakatingin sa Facebook at mga kuning-kuning na walang tatuturan, na makalipas ang ilang oras nang pagbabantay sa walang aasahan ay susunod ang pagkastigo sa sarili sa nasayang at naubos na oras.
Sa halos araw-araw sa loob ng makailang linggo, ganun at ganun ang eksena na nakakatamad at nakakapagod sa walang kapagurang katamaran at pagkabahala sa hindi dapat pagkaabalahan. Ngunit ang manaka-naka o pasulpot-sulpot na tut! tut! ng selepono ay nakakapagpagising sa nanlupaypay na damdamin...umaasang may hatid na balita na makakapagpasigla sa nakaka-antok na araw. Ngunit ang makatanggap ng mensaheng nakikiusap upang mabigyan pa ng pagkakataon para mabuhay sa dapat pagkabuhayan ay isang nakakatakot na palaisipan.
Kasunod ng nakakabiglang mensahe ay ang tila pagkamatay ng nag-iisang ningas na sumisilay sa pinakakubling lugar. Na kahit hindi man pansinin o aminin ay manaka-nakang dumudungaw ang ningas na nagsusumiksik sa damdamin. Ngunit sa bawat pagtunong ng selopono at nakakarinding tut! tut!, may nginig ang mga daliri sa pagpindot at pagsilip sa mensahe. Ang mga kataga ay tila nagpapalabo sa mata at pangingilid ng luha. Ang mensahe ay tila pagiihip ng hangin na pilit pumapatay sa nag-iisang ningas na nagbibigay ng kakarampot na ilaw at init sa nanlulupaypay na damdamin.
May hindi mawaring kabog sa dibdib ang parating na mga araw. Ang bawat patak ng petsa sa kalendaryong ay tila papalapit na araw ng paghuhusga sa kung ano mang kakahinatnan ng bukas. Ngunit isa ang malinaw at yun ay ang umasa na hindi dapat umasa sa mga taong hindi kaasa-asa...kahit pa sa sariling pilit na ngumingiti at humahalakhak ngunit nanlulupaypay ang kalooban dahil sa nakakarinding tunog ng selepono at mga mensaheng palaisipan.