Saturday, February 02, 2013

Ang Red Pill ni Neo na tila suntok sa katinuan at naguguluhang damdamin



Kasabay ng nakakaenganyong rendition ni Israel Kamakawiwo 'Ole ng 'Somewhere Over the Rainbow" ay ang tila paghalukay ng samut-saring damdamin na hindi ko mawari. Kahapon lamang ay parang ibinibitin pa rin ang akin ulo na tila ba ito ay maaaring tagpasin anumang oras. Ang bawat tunog ng selepono na nangbibigy ng magkasabay na kurot sa dibdib at pagsilay ng ngiti sa puso na ako ay naalala kahit panandalian lamang. Sa pagpindot ng New Message, nandun ang sigaw ng isip na "Ang nerves! Ang nerves!" kasabay ng hindi mapigilang panginginig ng mga daliri at panlalabo ng mata sa mga hindi gustong mabasa at panlilinaw naman sa mga gustong makita.

Ayaw ko na nga sanang makatanggap pa ng anumang mensahe na galing sa kanya, ngunit alam ko na iba ang 'sana' na namumutawi sa isip at iba ang 'sana' na dinadamdam. Kung maaari nga lamang na humingi ng Blue Pill kay Neo sa The Matrix at maglagi na lang ako sa mundong hinabi ng aking isip... isang mundong masaya at walang pagkalito sa tila paghalukay ng damdamin sa dapat maramdaman at ikilos. Ngunit kahit ang Blue Pill ay may takdang panahon ng paglipas na ang kulay bughaw na langit ay hindi permanenteng bughaw at ang banayad na yakap ng hangin ay maaring maging nakakatakot na hampas.

Tila ba ang pagkakataon ay umaayon sa kung ano ang tamang gawin dahil makalipas lamang ang ilang oras pagkatapos ng nakakawindang na tut! tut! ng selepono ay umaagos palabas ang pag-aalala. Kahit hindi na kailangang uminom ng Red Pill na makakapagpagising kay Neo sa reyalidad, ang tunog ng selepono ay ay tila suntok sa katinuan at naguguluhang damdamin. Halos maiyak ako sa tuwa ngunit may bahagyang kulimlim ng lungkot ang mga pinagdaanang kalituhan at kaguluhan ng mga nakalipas na linggo.

Madaling sabihin na ang nakalipas ay hindi dapat maging hadlang sa ngayon at bukas ... ngunit ang nakalipas ay parte ng aking pagkatao, ng paniniwala o ng kaisipan na magpapabago sa taong nakaramdam at nakaranas ng masalimuot na pagsubok. Maaaring hindi ito maging hadlang sa akin ngunit hindi ko din kailangang makalimutan. Ang sugat ko ay maaaring maghilom ngunit mag-iiwan ito ng bakas na kahit hindi ko pansinin o pilitin ko mang kalimutan ay dadating ang panahon na makikita kong muli ang bakas na magpapa-alala na minsan, dumaan ako sa panahon ng matinding kalituhan at pagdaramdam.

Ngayon, sa paghalik ng banayad na hangin na naramdaman mula sa mahaba-habang biyahe at kasabay ng ngiti sa bawat 'piktyur piktyur' sa likod ng makukulay, naggagandahan at naglalakihang mga ilaw ay ang pag-asa na sa muling pakukrus ng landas ay manatiling magkaibigan...kahit doon man lamang.