Kadalasan kong sinisimulan ang araw sa pagbubukas ng Facebook at ang pagtingin-tingin sa kung ano ang nakaka-agaw ng interes ng mga FB friends at kung ano man ang kanilang ginawa o ginagawa sa oras na iyon. May kung ilang minuto din ang aking inaksaya sa pagpindot ng like, pagtingin ng mga litrato, pag-basa ng mga status update at ang panaka-nakang pagsilip sa FB wall ng mga taong na-agaw ang aking interes. Ang matagal na pagmumuni-muni sa bawat umaga na nagsisimula sa pagpatak ng alas singko y medya ay lalarga hanggat hindi na napapansin ang pagka-ubos ng ilang oras.
Tik. Tok. Tik. Tok. Tik. Tok. Napapadalas ang tingin ko sa bawat oras na lumipas na tila ba sa pagpatak ng isang minuto ay mahahanap ko ang inspirasyon na makakapagpabuhay sa dugo upang gawin ang mga obligasyon at gawain. Ngunit ang pangangati ng mga daliri sa pagpindot ng bagong tab, pagbukas ng Youtube at paghahanap ng funniest videos ay isang paraan na naman ng pagtakas ng akin isip sa mga dapat harapin at dapat maramdaman. Panay-panay ang buntong-hininga na sana ay maisama nito ang mga alalahanin, na sana hindi matapos ang araw na hindi maaaksaya ang oras at na sana ay walang hatid na hindi kaaya-ayang balita ang araw.