Tuesday, February 12, 2013

Ang pagtatago ng SIGURO sa NGA sa 'siguro nga'


UNANG YUGTO

Hindi mapakali si Leo sa pagkakaupo. Parang sinisilaban ang puwet sa pagtayo, pag-upo at manaka-nakang paglakad paroo't parito. May kung ilang ulit na rin syang nahiga sa kama, ipinikit ang mga mata at pilit pinapakalma ang isip. "Anak ng putsa!" ang malakas nyang usal sa pagmamaktol kay Antok na hindi dumadalaw. Nasubukan na rin nyang magbilang ng may kung ilang daang tupa na tumatalon sa bakod na kulay puti. Ang bakod ay parte ng bahay na may kaparehong kulay sa gitna ng bukid na luntian at ang mga tupa ay may taling maliit na kuliling na sa bawat talon ay malinaw ang tagsing na siya nyang binibilang.

"Isang daan at dalawampu. Isang daan at dalawamput isa..." Sa gitna ng pagbibilang ay may gugulo sa isip na tila kidlat na sasaglit at nag-iiwan ng hindi nakikitang boltaheng nagpapanginig sa puso. Kahit anumang gawin ni Leo ay hindi nya maiwawaksi ang pag-aalala at pangamba. Magkahalong takot, saya at lungkot ang tila nagsasayaw sa katinuan at nagpapalabo sa kung ano ang dapat maramdam at ikilos.  

Halos magdadalawang buwan na mula nung mangyari ang insidenteng nagpapakabagabag kay Leo. Isang insidente na nagpaalab at nagpa-init sa malungkot na gabi kasama si Karen ngunit kaalinsabay nito ang paglabo sa natitirang katinuan na tila tinadyakan ng hindi mabilang na shot ng Tequila at Empi. Ngunit ang gabi ay nasundan ng mga araw ng matinding pag-iisip at pag-aalala at nandoon ang takot na baka malaman ng kanyang maybahay na si Shirley at mga anak. May pagkakataon pa na sa gitna ng kalamigan ng madaling araw ay dinadala siya ng paa sa may terasa at uupo sa silyang kahoy at doon ay tatanaw sa malayo at pilit iniisa-isa ang nararamdaman.

May pagkakataon din na hindi nya namamalayan ang pagsunod ni Shirley na lalong nagpakabog sa kanyang dibdib. Natatakot si Leo na sa pagtitig ni Shirley ng matiim sa kanyang mga mata ay mabasa nito ang tumatakbo sa isip at damdamin. "May problema ba?" Minsan na nyang narinig ang pagtatanong at may kung ilang ulit na rin nyang pinagsinungalingan si Shirley na balot ng pag-alala. Ang bawat pagtatanong ng asawa ay nagpapalambot sa puso ni Leo ngunit kaalinsabay nito ang pagngatngat ng kunsensya sa hindi maitatwang paglilihim na lalong nagpabigat sa tila nakadagang adobe sa dibdib. Ang bawat pagkakaila, pilit na ngiti at pagbibigay ng kumpiyansa sa asawa na walang dapat ipag-alala ay tila gapos na nagpapahigpit sa nakadangang bato. Natatakot syang malaman ng asawa ang nagawa at ang alalahaning kung malaman man ay may puwang ba sa puso ni Shirley ang pagpapatawad?

Sinisisi ni Leo ang sarili. Ang saglit na katapangan ng gabing kasama si Karen ay napalitan ng matinding takot na ang minsang gabi ng pagkalimot ay maging mitsa ng paghihiwalay nilang mag-asawa. Sa isipin pa lang ay halos lumundag na sa pangamba si Leo kasabay ng napapadalas na iling at pakikipag-usap sa sarili upang payapain ang sarili.  Ang madalas na pagbibigay ni Karen ng kumpiyansa na walang mababago at walang dapat ipag-aalala ay laging nasasambit sa mga mensahe sa selepono at pagkikipag-usap sa FB. Ngunit parang nabibingi ang puso sa mga paliwanag at kumpiyansa na wala ng dapat ipangamba at walang basehan ang takot na nadarama. Ngunit mayroong hindi maipaliwanag si Leo dahil nandun pa rin ang takot sa mga posibleng mangyari lalo na at hindi man aminin sa sarili, ang takot ni Leo ay hindi lamang dahil baka malaman ni Shirley ngunit mas natatakot ito na aminin sa sarili na muli at muli nyang naaalala ang gabi ng mga maiinit na yakap at halik.

"Flattered ako dahil hindi ako madaling kalimutan," ang banggit minsan ni Karen at alam ni Leo na pagbibiro  ni Karen ay tila suntok na lalong nagbigay ng matinding kaba at tila pagkaliyo.

"Siguro nga," ang maikli nyang sagot na tila ang nga ay ikukubli ang kasiguraduhan ng siguro.

Ilang ulit na din ang pagbibigay ng kasiguruhan ngunit hindi ito sapat dahil magiging totoo lamang kung mamutawi mismo kay Leo. Ang paulit-ulit na pag-usal ng 'wala ng problema, di ba?" o kaya ay 'wala na akong dapat ipag-alala?' ay tila pagkukumbinsi sa sarili na wala syang nararamdaman na kahit katiting na pagtingin man lang kay Karen. Ang takot sa isip nito ay dala ng hindi pag-amin sa sarili sa tunay na nararamdaman na pilit iwinawaksi ng isip at pag-aalala kay Shirley at sa kanilang mga anak.

Ang hindi pag-amin sa tunay na nararamdaman ay tila multo na nagpapakabagabag kay Leo na ang bawat sambit na maayos na ang lahat ay tila dagdag na sugat sa puso na lalong nagpapaliyo sa damdamin at isip. At dadating ang mga araw at gabi na muli at muling mailap si Antok sa pagdalaw habang ang puso ay nagtatago sa 'siguro nga' na paukol sa hindi madaling paglimot kay Karen.