Maaari pala na ang sorry at thank you ay magkasiping sa iisang espasyo dahil ang mga kataga ay napapadalas ang dating sa aking selopono na tila ba dapat ko ng asahan na ang sorry ay otomatikong susundan ng thank you or maaari ding mauna ang isa sa isa. Ngunit kapag nakakatanggap ako ng mensahe ay hindi ko alam kung ano ang dapat kong isagot... kung ako ba ay magsasabi ng 'walang anuman' o 'patawad din'. Maaari din namang pagtabihin ko sa iisang espasyo ang mga kataga sabay usal na sana walang pag-aaway o pagkalito na magaganap sa kung ano ang dapat kung ipag walang anuman at dapat ipag hingi ng tawad.
Hindi lamang iyon ang kailangan kong basahin kundi ang mga dot dot dot (...) na kasunod ng aking pangalan na kay ikli ngunit pinagtataguan ng mga hindi nabanggit na pangungusap. Ang mga tahimik na pangungusap na tila nagkukubli sa dot dot dot ay naramdaman ko ng buong puso at kahit yun pa lang ang natanggap na mensahe ay nagpawis at nanlamig na ang aking mga palad. Pakiramdam ko din na nag-init ang aking mga pisngi na parang tinedyer lang at tila naliliyo pa sa gulat at galak sa natanggap na mensaheng binanggit ang aking ngalan at dot dot dot.
Bukod dun, ang salitang move on ay tila naging uso na din. Dalawang salita na napakadaling bigkasin, mahirap ipaliwanag at mas napakahirap gawin. Ang sabi nga sa nabasa ko sa FB, keep calm and move on ngunit papaano ba mapapakalma ang magkaalinsabay na kurot at pagpintig ng puso na idinadaan na lamang sa buntong-hininga at pagtingin ng tagus-tagusan sa selepong hawak? Siguro nga...mapapakalma ng napakaraming buntong-hininga ang pilit pumapayapang kabog ng dibdib.
Nang matanggap ko ang bagong mensahe na pagpapahiwatid na ang nagpadala ng mensahe ay naiyak...at kasunod ng:
Dinama ang ibang hangin doon
at sumisid sa batis
at isinigaw sa ilalim nito
ang mga kalungkutan na dinanas natin.
At umasang aanurin ito
sa lugar na hindi na masumpungan
ng kahit sino na kasing hina ko.
Dot dot dot...iyon ang gusto ko sanang isagot. Tumagos sa puso ang sinseridad ng mga inusal na para bang ibinulong ito sa aking tenga na nagpa-init sa damdamin ngunit kaalinsabay din nito ang lungkot ng pagpapaalaman.